Kinilaw

*salin ng tula ni Shane Carreon

Balang araw tatanungin ko si Tatay kung paano kilawin ang dilis o tunang hilaw, ibinababad sa suka’t gata, kinakamay ang bawat piraso mula sa iisang mangkok kasalo ang iilang taong katiwala.

Hawak ang bawat dilis sa ulo, mabilis ngunit maingat na inaalis ang tinik nang hindi nadudurog ang katawan; o ang malalaking tunang hiniwang tama para sa ‘yong ngipin.

Sukang mula sa tubó, at gatang mula sa niyog na pinipiga ng nagkikilaw, mariing pagdidikit ng mga palad na wari bang nagdarasal para sa itinatanging katas na magpapakain sa buong daigdig.

At siling maliliit na pula’t luntian, hangad langit ang tawag, napakaanghang, sinusunog ang dila. Hindi mo maiwasang lumuha’t titingala sa kalangitan.