Larawan at Salita
Barok na salin ng tulang “Illustrated Books and Newspapers” ni Henry Wadsworth Longfellow
Talastasan ang dating kadakilaan ng Tao, At himala ng kanyang kamay ang nasusulat na wika; Saka dumating ang Limbag na sumasaklaw Sa kaisipan—larangang laganap at absolutong Inilalatag ang katotohanan, pinalalawak ang pag-ibig. Ngayo’y wala nang dangal ang prosa at berso Segundaryo sa isang Sining na mas angkop Sa panlasa nitong dating Lupain ng marunong. Isang atrasadong kilusan ang mayroon dito ngayon, Mula wastong gulang—babalik sa pagkabata; tayo’y Babalik sa unang kuweba ng kasaysayan ng tao. Iwaksi ang abusong ito ng iginuhit na pahina! Dapat bang sa mata ang lahat, habang sa dila’t tainga Ay wala? Ilayo kami, Langit, sa mas mababang antas!
Tugon ni Longfellow ang tulang ito sa paglathala ng mga iginuhit na larawan kasama ang mga sulatin sa mga diyaryo at libro dahil sa pag-unlad ng paglilimbag, na kanyang itinuring na isang “atrasadong kilusan” (backward movement). Nanggagaling ang kanyang sentimyento sa pananaw ng Kanluraning tradisyon na mas mahalaga ang Salita kaysa Larawan (Textual/Verbal vs. Graphic), gaya ng pagmamaliit sa naratibong nakalarawan (graphic novel, komiks) at pagdakila sa naratibong nakasulat (nobela, tula). Sa lumang binary ng kultura, kulturang popular (lowbrow) ang turing sa una, habang panitikan (highbrow) naman ang huli.