Mahal naming lungsod,
hayaan kaming papanariwain ang alaala mo: biyaya ang alinmang galing sa langit, hindi ulan ang kaaway. Ulan ang paksa ng mga dasal, mabuting tugon ng mga santo. Mahal na lungsod, ipaliwanag ang pagwawalang-galang dahil sa iyo, wala bang pupuntahan ang bisitang ulan? Nasaan ang lupang tanging pag-ibig ang nararamdaman para sa tubig? Nasaan ang mga daanan tungo sa puso mo? Maawa sa nagtitipong tubig, umaapaw sa lansangan, maawa sa bumabahang tubig sa mga bahay, napakaitim at napakadumi at napakabigat dahil sa daga at bulok na dahon at plastik. Labis na napapahiya ang tubig sa ginawa mo sa kanya. Anong ginawa mo sa kanyang ganda, sa daloy ng kanyang lawas sa mga litrato ng karagatan, sa malinaw niyang hitsura sa isang baso? Hindi namin makita ang aming paa sa baha tuwing umuuwi. Nalilimot naming magpasalamat sa mga diyos sa kanilang biyaya. Naghahanap kami ng sisisihin at babaling sa iyo, lapastangang lungsod, dahil may dangal kami, pinakakain namin ang mga anak namin tatlong beses sa isang araw, wala kaming pinalalagpas ni isang eleksyon. Ang tanging paliwanag ay ikaw, mahal naming lungsod. Hanggang dito na lang ang ating diskusyon. Wala nang ibang maysala.
*malayang salin ng Dear City ni Conchitina Cruz