Mga Tanong ng Manggagawa Sa Kanyang Pagbabasa
Salin ng tula ni Bertolt Brecht
Sino bang nagtayo ng Pitong Pultahan ng Tebas? Tanging pangalan ng mga hari ang matatagpuan sa libro. Mga haring ito ba ang nagbuhat sa mabibigat na tipak ng bato? At palaging nagigiba ang Babilonia. Sinong paulit-ulit na nagtayo nito? Sa Lima, Gintong lungsod, saan nakatira ang mga manggagawa? At nang matapos ang Dakilang Tabiki ng Tsina, Anong nangyari sa mga kanterong gumawa nito? Puno ang Roma ng mga arko. Sinong nagtayo ng mga ito? Sinong tinalo ng mga Cesar? Inaawitan ng mga makata ang Bizancio, Ngunit may puwang ba ito para sa mga manggagawa? Habang lumulubog sa dagat maging ang maalamat na Atlantis, Sumisigaw ang nalulunod na panginoon, tinatawag ang kanyang alipin. Mag-isa bang sinakop ng batang Alejandro ang India? Tinalo ni Cesar ang Gaul. Mayroon naman siguro siyang kusinero kahit papaano. Umiyak si Felipe ng Espanya nang lumubog sa karagatan Ang kanyang armada. Sino pa’ng umiyak? Nanalo ang Dakilang Frederico sa Pitong Taong Digmaan. Sino pa’ng nagwagi? Tagumpay sa bawat pahina. Sinong nagluto ng mga piging ng pagkapanalo? Sa bawat dekada isang dakilang lalaki. Sinong tumustos ng kanyang mga gastusin? Napakaraming katotohanan. Napakaraming katanungan.