mula sa “Umali Kayo!”*
Kinabukasan, para sa float parade ay mas inagahan niyo ang pagpunta sa Session Road pero mas dumami ang manonood. Malalaking float na gawa sa makukulay at patay nang bulaklak ang gumulong pababa ng kalsada bilang pinakaaabangang bahagi ng Panagbenga. Noon ka lamang nakakita ng napakaraming bulaklak na tingin mo’y milyon ang bilang kung susumahin ang lahat ng float. Inayos ang mga bulaklak ayon sa kulay, tipo at disenyo. Mayroong tigreng umaatungal na mascot ng isang bangko, isang cartoon character na pamilyar sa mga milenyal na manonood, isang malaking kabibe na may perlas sa loob, at isang malaking rosas na gawa sa pulang bulaklak na ‘di mo alam ang pangalan. May mga artista rin; may float ang parehong magkaribal na estasyon ng telebisyon kung saan nakasakay ang mga pinakasikat nilang artista. Nagsigawan ang mga katabi mong turista para sa bida ng isang palabas na tila hindi matapos-tapos. Kumakanta ang bida at wala sa tono.
Paglagpas ng float na may gasuklay na buwan, natuliling ka sa biglaang tili ng mga tao sa bandang taas ng kalsada. Lumingon ka roon pero hindi mo nakita ang dahilan ng ganoong reaksyon mula sa mga nanonood hanggang lumagpas ang isa pang float.
Hindi ka handang makita ang mga lalaking nakasuot ng bahag. Malapad ang kanilang balikat, malalaki ang braso, magaganda ang hubog at nakalantad ang mga linya ng abs na inaasam ng mga lalaking nagpupunta sa gym. Gwapo rin sila. May hawak silang gangsa, pananggalang o sibat. Humihinto sila kada ilang hakbang para kumaway at hayaan ang mga taong kunan sila ng litrato. Habang papalapit sila, nabasa mo ang mga nakasulat sa mga sash sa balikat ng ilan sa kanila: Mr. Cordillera 2015, Monsieur International 2015, Mr. World Tourism 2016. Saka mo naunawaan ang kumpiyansa ng kanilang paglalakad.
Huminto ang isang lalaki sa harap mo mismo at ngumiti sa nakataas mong cellphone. May hawak siyang sibat, nakaturo ang matalim na dulo sa langit. Napansin mo ang nagpapawis niyang leeg at chest, ang buhok sa baba ng kanyang pusod, ang malalaki niyang paa. May balat sa kanyang kaliwang braso. Kumindat siya sa ‘yo, o sa direksyon mo. Tumili ang mga nasa paligid mo.
Nakita mo ang tali ng bahag sa likod ng lalaki, sa bandang taas ng kanyang puwitan, nang maglakad na siya ulit pababa. Sinundan mo siya ng tingin. May ilang float pang dumaan pero iniisip mo pa rin ang kindat ng lalaki.
Mabuti na lang at hinila ka ng mga kabarkada mo sa Grandstand kung saan ipinaparada ang mga float at kung saan naroon din ang mga lalaking nakabahag na pinipilahan ng mga turista para magpalitrato. Sa dami ng tao, nawala ka at nagpasyang hanapin ang lalaking gusto mong makasama sa litrato. Nagpaikot-ikot ka sa madamong football field, palinga-linga, hanggang sa makita mo siyang nakaakbay sa isang babae. Lumapit ka at naghintay sa malapit, tinitingnan ang mga nagpapakuha ng litrato. Wala na ang hawak niyang sibat.
Nakatitig ka sa maamo niyang mukha, partikular sa tuyo’t nagbabalat niyang labi, kaya hindi mo napansing nakalapit na siya sa ‘yo’t tinatanong kung gusto mo rin ng litrato. Mas matangkad siya nang kaunti kaya tinilt mo pataas ang iyong ulo para tingnan siya sa mata. Inulit niya pa ulit ang tanong niya bago ka tumango. Tumingin ka sa paligid at naispatan ang kaibigan mo na tinawag mo para kumuha ng litrato niyo. Kahit pinagpapawisan, mabango pa rin ang lalaki nang akbayan ka niya at ngumiti sa camera. Sumagi sa isip mong parang pareho ang pabango nila ng boyfriend mo.
*isang work-in-progress