Ulan

salin ng “Rain” ni Danton Remoto

Umuulan nitong umaga sa aking bansa. Tumutulo ang tubig sa dahon, tulad ng dila sa balat. Dahan-dahan ang tunog ng mga patak, tila hininga sa tainga. Isang karagatan ang ating agwat. Diyan, nagpapalit na ang mga dahon. Aagawin ng gabi ang mga oras mula sa araw, magsasama ang niyebe at hangin. Subalit narito ka, sa aking bansa, sa aking isip, binubura mo ang mga mapa ng lamig sa salamin ng bintana, magkatabi tayo sa higaan habang bumibilis ang pulso ng unan at kumot— pati ang pintig ng ulan.